YONIP
November 27th, 2005 by ghervhinne“Hoy! Pinoy ako, buo aking loob, may agimat ang dugo ko”
-”NOYPI” ni BAMBOO
“Pinoy, ika’y Pinoy. Ipakita sa mundo kung ano ang kaya mo. Ibang-iba ang Pinoy. Wag kang matatakot, ipagmalaki mo. Pinoy ako; Pinoy tayo”
-”PINOY AKO” ng ORANGE AND LEMONS
Napapansin ko lang…mukhang nauuuso na naman ang mga patriotic songs na naglalaman ng pagiging taas-noo sa pagiging Pilipino. Ang “Noypi” ang siyang nagmitsa ng kasikatan ng Bamboo samantalang ang “Pinoy Ako” ng O&L ang nagpaigting ng kanilang career at sa kasikatan ng teleserye ng totoong buhay…ang Pinoy Big Brother!
Pero sa prangkahang usapan, dapat pa ba nating ipagmalaki ang pagiging Pilipino natin? Mga gamahang politiko, oposisyong nagkakaisa sa pagbabagsak ng Labandera ng Bayan, hindi matapos na krimen, mababang literacy rate, mabahong basura, nakakalbong kagubatan…at marami pang iba. Ito na ang makikita sa Pilipinas ngayon. Ngayon, marangal mo pa bang kakantahin ang mga kanta ng Kayawan at ng Kahel at Dayap?
Minsan napunta ako sa Department of Foreign Affairs upang ayusin ang pasaporte kong nawala. Mayroon doong exhibit ng mga Ifugao woodcarvings. Meron ding larawan ng sikat na sikat na Banaue Rice Terraces. Kahit na ilang beses na sa buhay kong nakita ang lugar ay hindi ko pa rin maiwasang mamangha sa angking rikit nito. Kahit na alam ko kung sino ang gumawa ng mga woodcarvings at ng Terraces, hindi ko pa rin maisip kung paano nila ginawa iyon…lalo na ang 8th Wonder of the World na kasing tanda na ni Kristo. Kasabay nito ay may nakita pa akong mga cards na naglalaman ng magagandang tanawin sa Pilipinas tulad ng Mayon Volcano, ang white-sand beaches ng Boracay…etc.
Nang magsaliksik ako ng mga kasuotan ng mga Pilipino, hindi ko naiwasang magandahan sa iba’t ibang disenyo nito. Mula sa mga bahag ng mga Ifugao, ang Maria Clara ng mga Tagalog at ang makukulay na kasuotan ng mga Muslim, hindi ko naiwasang maakit sa angkin nilang mga kulay. Ang taray talaga!
Madalas mabalitaan ang angking galing ng mga Pilipino, lalo na si Pacquiao, sa larangan ng boksing. Kung hindi nga ako nagkakamali, pang-apat na si Manny (akala mo naman close kami!) sa pinakamahuhusay na boksingero sa mundo ayon sa isang international magazine na hindi ko na matandaan ang pangalan. Nakita ko rin sa telebisyon ang pagsasanay ng mga atletang Pilipinopara sa nalalapit na 23rd SEA Games na gaganapin dito sa ating bansa. Hindi maitatatwang napakasakit sa katawan ng ginagawang nilang pagsasanay at malaking sakrispisyo rin ito sa mga estudyanteng manlalaro na lumiban sa kanilang mga klase upang irepresenta ang bandila ng magulong bayang ito.
Nakita ko ang isang VCD ng aking kaibigan na naglalaman ng mga iba’t ibang sayaw Pilipino na iniindak ng sikat na sikat na Bayanihan Dance Troupe. Alam niyo bang ang Bayanihan ang world champion pagdating sa larangan ng sayaw? Kung hindi ninyo alam, Diyos ko day! Tungkol naman sa mga sayaw Pilipino, makikita mong nasasalamin sa bawat galaw nila ang mayamang kultura at tradisyon ni Juan dela Cruz.
Nanood ako sa TV ng balita at ipinakita ang isang empleyada ng isang golf course na nakapulot ng malaking halaga ng dolyares. Ibinalik ito ng babae nag buong-buo at walang kulang.
May bisita ngayong Hapon ang tita ko. Kitang-kita ko ang pag-aalaga niya sa kanyang bisita at ang pag-aasikaso rito. Oo nga pala, ang tita ko ay isa sa maraming OFW na nagsasakripisyo at nagtatrabaho upang makaipon at makatulong sa kanyang pamilyang naghihikahos sa buhay.
Rice Terraces, ang iba’t ibang kasuotan ng mga Pilipino, si Pacquiao at ang Philippine athletes, ang mga sayaw Pilipino at ang Bayanihan Dance Troupe, ang “honest” na empleyada ng golf course at ang tita ko. Iniisip ko ngayon, dapat ko nga bang ikarangal na ako si Juan dela Cruz?
Kakanta na lang nga ako…
“Pinoy, ika’y Pinoy. Ipakita sa mundo…(habang sinasayaw ang step ng awit na ito)”