Archive for September, 2006

Kung Bakit Ko Sinunod si Mama

Thursday, September 14th, 2006

“THEORY OF CAUSALITY”

Narinig ko ito minsan sa klase ng isa sa mga pinakapaborito kong propesor. Lahat ng nangyayari dito sa mundo ay may dahilan. Kung sakaling nadapa ka kaninang umaga, mayroong dahilan kung bakit nangyari yun. Maaaring ang dahilan nito ay para makilala mo ang isang taong tutulong sayo at malalaman mo na lamang na siya pala ang taong mamahalin mo sa buong buhay mo. Maaari rin naming kaya ka nadapa ay para mapulot ang isang alahas na malaki ang halaga nang papalit sa sanglaan. O di kaya, kaya ka nadapa ay sadyang tanga ka lamang. Yan ang ibig sabihin ng “theory of causality”. Uulitin ko lang, ang ibig niyang sabihin ay lahat ng nakikita o nangyayari sa paligid ay may dahilan.

Noong nasa hayskul pa lamang ako, alam ko na ang kursong kukunin ko. Ang kukunin ko ay mass communications o communication arts. Gusto kong maging direktor ng isang teleserye sa telebisyon o kaya ay maging isang reporter sa isang programang naghahatid ng balita. Basta ang gusto ko ay maging bahagi ng media. Kung hindi makikita sa TV ang mukha ko, kahit man lamang makita ang pangalan ko sa “credits” ng isang palabas. Masaya yata yun. Malalaman ng buong Pilipinas na nagtatrabaho ka sa telebisyon. Aba! Astig yun.

Pero nang sinasagutan ko na ang “application form” ko, ang naisusulat kong kurso ay ang edukasyon. Pinipili ko ang kursong kinaaayawan ng karamihan sa mga kaklase ko. Pinipili ko ang kursong sinasabi nilang para lamang sa mahihina ang utak. Pinipili ko ang kursong isinusumpa ng mga mismong guro ko. Pinipili ko ang karerang tinahak ng mga kinamumuhian at kinaaasaran kong mga titser. Hindi ako makapaniwala! Pinipili ko ito.

Marahil ay nagpadala ako sa sulsol ng nanay ko. Mag-titser na lang daw ako ng Ingles para kapag dinala niya na raw ako sa Japan ay magkakaroon daw kaagad ako ng trabahong ang sahod ay di bababa sa dalawang lapad isang oras (10,000 piso sa lokal na pera). Aarte ka pa ba sa dalawang lapad isang oras na trabaho? Aba! Saang parte ka ng Pilipinas pupunta para makuha ang ganung halaga sa loob ng maikling panahon? Eh mga politiko lang naman yata sa Pilipinas ang kayang gumawa nun eh. Sige! Isama na natin ang mga pasimuno ng lintik na jueteng na yan. Dalawang lapad isang oras? Isa siyang tuksong kumikiliti sa palad at bulsa mo. Bakit hindi?

Hindi ko inasam na maging isang guro. Naiinis nga ako noong pinapa-“check” samin ng guro ang papel namin sa mga pagsusulit. Ayokong maging isang taong tampulan ng tukso lalo na kapag nakatalikod ako. Ayokong loko-lokohin ako ng mga bata. Ayokong mag-alaga ng maraming bata na hindi naman ako ang nagluwal. Naging guro lang naman ako nung bata eh…kapag naglalaro kami ng mga kalaro ko ng aral-aralan. Ginagawa naming pisara ang pader ng bahay namin at doon namin isinusulat ang mga “aralin” sa araw na iyon. Matatapos lang ang pasukan naming magkakalaro kapag dumating na ang lola ko at nagmura na siya dahil ginawa nga naming pisara ang pader ng bahay namin. Nagmumura siya habang pinupunasan ang mga bakas ng “chalk” na iniwanan namin.

Pinilit kong lunukin ang mapait na tableta ng katotohanang hindi ko nakuha ang kursong gusto ko. Nabuwag na ang pangarap kong maging isang brodkaster sa telebisyon. Hay! Ang sakit pero wala akong magawa. Pinili kong makinig sa nanay ko. Ito na ang kabayaran ng pagiging masyadong masunurin sa magulang. Ipinagpatuloy ko ang kurso nang nakapikit ang mata. Hindi ko alam kung kakayanin kong humarap sa maraming estudyante at siguraduhin na may natutunan sila sa tagal na nakatayo ako sa harapan nila. Hindi ko alam kung makakaya kong patahimikin sila sa oras na hindi nila makayanang tumahimik. Hindi ko alam kung kakayanin kong maging masaya sila sa presensiya ko sa loob ng silid aralan. Ang tao nga naman! Natatakot siya sa mga bagay hindi niya nalalaman.

Sa loob ng tatlong taon ay pinag-aralan ko ang pagiging isang guro. Pinag-aralan ko kung paano gagawa ng isang banghay aralin (lesson plan). Pinag-aralan ko ang ugali ng mga bata sa bawat yugto ng kanilang paglaki. Pinag-aralan ko ang iba’t ibang panitikan upang makita ang makulay na mundo ng pagsulat. Marami akong pinag-aralan para lamang maging handa ako sa pagsabak ko sa tunay na digmaan sa klase. Hindi na ito digmaan na ako ang estudyante. Ako na ang guro. Lalaban ako sa mahigit limampung mag-aaral na may iba’t ibang gusto, pag-uugali at pagkatao. Lahat sila dapat kong “mapatumba”…nang sabay-sabay.

Dumating ang huling taon ko sa kolehiyo at kinakailangan na naming mag-“OJT”. Kailangang magamit na namin ang aming mga pinag-aralan. Kailangang malasap na namin ang simoy ng silid-aralan. Sumabak na kami sa mundo ng pagtuturo. Inaamin ko, kinakabahan ako sa unang araw ng pagtuturo ko. Nangangapa ako. Tunay ngang mahirap maging isang guro. Kinakailangan mong malaman ang kaukulang stratehiya upang maintindihan ng iba’t ibang estudyante ang tinuturo mo. Mahirap…sobra! Pero ginawa ko ang makakaya ko. Nagpatawa ako at nag-isip ng mga paraan kung paano ko ba gagawing hindi karaniwan ang bawat ngayon sa kahapon. Ginawa kong masaya ang silid-aralan. Ginawa ko ang sarili kong isang telebisyon na maaari mong gamitin upang matuto at malibang ka nang sabay.

Dumarating ang oras na nakakatanggap ako ng mga komentong tulad ng mga sumusunod:

“Sir, ikaw ang pinakapaborito kong ‘teacher’ simula ‘first year’.”

“Alam niyo, sir, hindi pala imposibleng matuto at magsaya nang sabay. Salamat po! Ang galling nyo!”

“Kaunti lamang po ang mga gurong nag-iiwan ng marka sa puso ng mga estudyante at isa po kayo sa mga iyon, sir.”

“Ipinakita nyo sakin kung sino ako at kung ano ang kaya kong gawin. Salamat, sir! Astig ka talaga.”

Ngayon, alam ko na ang dahilan kung bakit ako itinadhanang kuhain ang edukasyon. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit pinili kong tahakin ang landas na ayaw daanan ng maraming tao. Narito ako ngayon upang tamnan ng maliliit na butil ng kaalaman ang murang isipan ng batang hahawakan ko. Narito ako ngayon upang haplusin ang puso ng mga estudyante upang malaman nilang may dahilan kung bakit sila narito sa lupa’t humihinga. Narito ako ngayon upang mailawan sila at alalayan sa oras na daraanan nila ang pinakamadidilim na bahagi ng kanilang buhay. Narito ako ngayon upang maging magulang, kaibigan, salamin…at guro.

Sandali lang ha, 10:0 na ng umaga. Oras ko na para magturo!