Archive for July, 2006

Sa Pagiging Guro…KARANGALAN

Saturday, July 22nd, 2006

Kahit kailan ay hindi ko naisip na maging isang guro. Inaamin ko, gustung-gusto kong nagiging titser sa larong aral-aralan. Ako pa nga ang nagtuturo sa mga kalaro ko ng Math na ngayon ay tinuturing ko nang isa sa mga mortal kong kaaway na sabdyek. Madalas naming ginagawang blackboard ang pader ng bahay namin kaya ang ending, minumura kami ng lola ko habang pinupunasan niya ang mga chalk sa pader.

Pero hanggang doon lang yun…dati.

Saksi ako sa mga kalokohan ng mga estudyante pagdating sa mga guro. Nandoon ang pinapangalanan ka nila pagtalikod mo. Pagtsitsimisan pa minsan kahit ang personal mong buhay. Paano naman kasi eh gawain ko rin naman yun nung high school. Nakadagdag ito sa simbuyo kong ayaw magturo. Baka mamatay pa ako sa high blood eh mainitin pa naman ang ulo ko.

Hindi nagpatinag ang lola at nanay ko. Gusto raw nilang kunin ko sa kolehiyo ay Education major in English. Magiging titser raw ako sa Japan at in fairness, mataas ang sweldo. Isang lapad (o 10,000 yen) kada oras. Nakakatukso ang udyok nila pero no way pa rin. Mas mahirap yatang magturo ng banyagang salita sa mga taong hindi naman nila intensyong matuto nun.

Pero hanggang doon lang yun…dati.

Ang nakapagtataka lang, nang isulat ko na ang pinili kong kurso para sa kolehiyo, pinili ko ang Education. Pinili ko ang karerang hindi ko naisip kunin. Pinili ko ang landas na tinahak ng mga matatandang dalaga kong guro. Hindi ko alam kung bakit. Parabang binulungan ako ng hangin, “Magiging titser ka, hahahahahaha.” Nakakatakot!

Maraming nag-aakalang kung mahina ang utak mo, mag-titser ka na lang. Maraming nagsasabing ito na ang pinakamadaling kurso kung sakaling hindi naging maganda ang performance mo nung high school. Pero habang binabagtas ko ang Principles of Teaching, Teaching Strategies, Test and Measurement at kung anu-ano pang professional courses ng Education, napagtanto kong mali pala silang lahat.

Aba! Eh kailangan ngang napakatalino mo pag naging guro ka. Malawak na imahinasyon, talino, pang-uunawa, pasensya ang kinakailangan mo upag makatagal ka sa propesyon. Ikaw ang lilinang at papanday sa utak at puso ng mga sinasabing pag-asa ng baying ito. Kailangan din ang disiplina dahil lahat ng mata ay nakatingin sayo. Isang pagkakamali mo lang, sira ang matagal mong pinagkakaingatang reputasyon.

Ngayon, hindi ko maintindihan ang mga taong ayaw maging guro. Sabi nila parang napakababang propesyon nito.

Hindi kaya! Baliw lang ang nagsasabi niyan. Hindi lang nila alam ang pakiramdam ng bionabati ka ng maraming bata ng “Sir, good morning po!”, “Ma’am, magandang hapon po.” Hindi lang nila alam.

Pag nagging titser ka, di ka man yayaman, di ka naman magugutom. Habang buhay kang in demand dahil ang edukasyon ay parang pagkain…isang basic necessity. Habang umiikot pa ang planetang ito ay maraming mag-aaral ang papasok sa eskwelahan. Maraming batang nangangailangan ng magagaling na guro. Maraming maghahangad na makapagbasa at makapagsulat. Habag buhay kang hahanap-hanapin dahil kailangan ka…at di ka na magugutom.

Isang fulfilling na propesyon, yun ang pagtuturo. Pag nakikita mong may nagbabagong maganda sa mga estudyante mo, anong ligaya ang hated nun. Ang mga mahihiyain, sumasagot na. Ang mga makukulit, nage-excell na sa klase. Habang nakikita mo silang unti-unting nararating ang pinakamagandang antas ng pagkatao nila, masarap sa pakiramdam yun. Dahil alam mo sa sarili mo, isa ka sa dahilan ng pagbabagong yun.

At hindi ba nila naisip, na ang pinakabanal at pinakadakilang taong umapak sa mundo ay piniling maging isang guro? Kaya masasabi mong to the highest level of the society ka kapag guro ka. Masasabi rin kahit in a little way, banal ka dahil banal ang napili mong propesyon. Kaya naman siguro sa mga gurong hindi magaling dyan, wake up na po. Banal po ang tungkulin natin kaya galingan po nating magturo. Remember, “TEACHING IS THE NOBLEST PROFESSION OF ALL.”

Dati, lola ko ang nagmumura sakin sa kakasulat ko sa pader. Ngayon, ako na ang halos magmura sa mga estudyante ko dahil sa kakulitan nila (at hindi ko naman magawa dahil bawal). Gayunpaman, masasabi kong masaya ako sa karerang pinili ko. Ang pagtuturo ay ako at ako ang pagtuturo. Hindi mapaghihiwalay.