Ang Guro at ang Kanyang Malabong Pag-iisip
Tuesday, June 20th, 2006isa akong taong abala. ibig sabihin, mula na yata pagmulat ng mga mata ko ay may naghihintay na saking obligasyong nagmamadaling matapos.
sa umaga, estudyante ako ng literary criticism at ng special topics in english
sa tanghali hanggang hapon ay guro ako ng limamput apat na bata sa ikalawang taon ng mataas na paaralan.
sa gitna ng pagiging guro ko ay isa akong masigasig na kalihim ng pinakamalaking samahang dulaan ng isa sa pinakamalaking pamantasan sa pilipinas.
at habang sinusulat o ginagawa ko ang sulating ito ay isa rin akong props head para sa isang dulang ginagawa ko.
hay! ngayon ay medyo may alam ka na kung paano kahirap maging isang tulad ko. isa akong payat na taong may malalaking responsibilidad sa buhay. may limamput apat na batang umaasang matututo sakin ng wikang banyaga. may malaking bilang ng mga artistang umaasa sakin upang makabahagi sa pamumuno ng isang dulaang nakabase sa isang pamantasan.
hindi ako nagrereklamo na ayaw ko na silang gawin. oo, nahihirapan ako sa dami nila. hindi lang sila marami, malalaki pa’t mabibigat. masaya ako sa mga trabahong nabanggit ko pero…marami sila masyado. hindi ko maibigay sa bawat obligasyon ko ang pinakamagandang magagawa ko…dahil hati ang pokus ko. naaawa ako dahil hindi ko maibigay ang pinakamataas na antas ng kakayahan ko sa kanilang lahat dahil lahat sila, hinihingi sakin ito. isa lang ako, marami sila. sino ang pagtutuunan ko ng mas malaking pansin?
dati, nung bata ako, kahit ano ipagawa mo sakin, kahit hindi ko pa tapos ang naunang gawain, kaya kong tapusin nang maayos ang dalawa, kahit tatluhin mo pa. ngayong matanda na ako, nagtataka lang ako kung bakit hindi ko na magawa.
ang sabi sakin ng isang guro, "bitawan mo ang ilang mga bagay. magpokus ka sa mga mas importante dahil balang araw, baka pagsisihan mo ang mga hindi mo nagawa ng maayos ang mga dapat mong gawin. at ang balang araw na iyon ay sa susunod nang taon." naniniwala ako sa kanya!
minsan may mga bagay na gusto nating gawin pero pag nasobrahan, hindi na maganda ang epekto sa ating katawan…maski sa kaluluwa. hindi lahat ng gusto natin ay makakabuti sa atin.
ngayon, nag-iisa ako. iniisip ko ang mga bagay na dapat kong matapos sa susunod na mga araw at buwan. sumasakit ang ulo ko. masaya sana…kaso mukhang baka bumigay ako. pag dumating ang araw na iyon, kailangan ko nang bumitaw sa isa sa mga pinanghahawakan ko. pero alin sa kanila? kaibigan, wag kang mag-alala dahil alam ko na ang kailangan kong pakawalan.
ngunit bakit hindi ko pa ginagawa? dahil lumaki akong hinaharap ko at pinaninindigan ang mga pinasok kong mga bagay. hindi ako sumusuko sa sakit at pait ng mga desisyon ko. kahit gaano kahapdi ang sugat na dala ng sarili kong katangahan, pinipilit kong ako mismo ang maghilom at maglapat ng lunas sa puso ko. kung gagawin ko ang nararamdaman ko, mukhang mababali ang prinsipyo kong yun.
mahirap ang sitwasyon ko. nakahawak pa rin ako sa mga bagay na pinili kong dalhin. ngunit alam ko na ang mga bagay na kailangan kong isuko. pinili ko na ang landas na tatahakin ko. alam kong kinakailangan kong magpaalam balang araw sa mga bagay na minahal ko rin naman nang lubusan. kailangan kong bumitaw dahil kailangan, hindi dahil sa nawala na ang pagmamahal sa puso ko.
hindi ko alam kung hanggang saan at hanggang kailan ako hahawak. pero alam ko na kung alin ang kailangang bitawan. ngunit hinahatak ako ng prinsipyo at puso ko sa magkaibang direksyon. alam kong hindi pa ito ang tamang panahon kung sakaling gagawin ko yun.
may mga tamang oras para sa mga desisyon
…tulad nga tamang panahon na kailangan ng iluwal ng ina ang kanyang anak.
…tulad ng tamang tamang panahon para sa isang pasyenteng lumabas sa ospital.
…at tulad ng tamang panahon para sa isang ibon upang lumabas mula sa kanyang itlog at matutong lumipad at kumawala sa kalawakan ng langit.
alam kong hindi ito ang panahon. darating tayo roon.