Si Pink Five at Ang Kanyang Mga Pakikipagsapalaran

Nanggaling ako sa isang pamilya na puno ng mga lalaki ang lahi. At dahil nga puro sila lalaki, medyo mabibisyo at medyo babaero ang mga kamag-anak ko. Kasama na rito ang tatay kong napakaguwapo at ubod ng lakas ang sex appeal.

Hindi naman naging lingid sa kanila ang aking pagkatao. Alam naman nilang gwapo ako, kaso nga lang…guwapo rin ang hinahanap ko. Dahil diyan, naging tampulan ako ng tukso at pagmamaliit. Samahan pa natin ng kaunti, o sabihin na natin, malaking diskriminasyon.

“Wala kaming apong bakla! Puro kami babaero,”

“Sinira mo ang lahing Dioquino (Ang apelyido ng angkan ng tatay ko)! Hindi ka namin apo”,

“Hoy! Tigilan mo nga yang kalandian mo.”

Hindi lang ako ang nakalasap ng ganitong kasaklap na mga pananalita. Kasama ang isa ko pang pinsan, natikman namin ang talas ng mga salitang minumutawi ng aking mga “napakatitinong” mga lolo at tiyuhin. Sa harap pa ng iba naming mga kadugo, pinapahiya kami ng mga barako ng aming lahi. Ano ang naging reaksyon ng tatay ko sa lahat ng ito? Hindi ko alam. Wala naman siyang sinasabi sa akin bilang reaksyon sa tunay na kulay ng aking dugo. Pero hindi naman ako tanga. Sino ba namang tatay ang gustong maging bakla ang panganay niyang anak?

Kung babalikan ko ang nakaraan ng aking pagkabata, hindi ko talaga alam kung kelan ako nagsimulang maging bakla. Basta ang alam ko, noong bata pa ako, ako ang naglalaro ng mga Barbie dolls ng tita ko na dapat ay nakadisplay lang sa cabinet na may pintuang salamin. Madalas ay kasama kong makipaglaro ang mga babae kesa mga lalaki. Mas gusto ko ang kulay pink kesa kulay blue. At dati, akala ko ay meron akong buhok na sobrang haba tulad ng kay Judy Ann Santos sa “Mara Clara”. Pero kung titingnan ko naman ang sarili ko sa salamin, ni isang mahabang hiblang itim sa aking bunbunan ay wala akong makita.

Kahit bata ako ay alam kong hindi mga panlalaking bagay ang nais ko pero hindi ko lang inaamin at sinasabi ng pormal sa sarili ko. Gumawa rin naman ako ng mga paraan para maging lalaki. Siyempre masakit din yung tuksuhin ka ng mga kapwa bata mo. Sinubukan kong gustuhin si Blue Three ng Bioman kesa kay Pink Five. Ngunit sadyang mas gusto ko ang kulay ng costume ng huli kesa sa una. Pinilit kong sabihing pakakasalan ko si Manilyn Reynes pag laki ko (dati kasi ay die-hard fan ako ni Mane) pero sadyang girlfriend lang pala ang habol ko sa kanya…yung tipong kasama mong makipag-pillow fight pag nagoovernight sa bahay ninyo. Nung grade four ko lang yata nasabi sa sarili kong ako’y isang nalihis na lahi ni Adan.

Mabalik tayo sa mga kamag-anak ko. Masakit ang maliitin at insultuhin ka ng ibang tao ngunit mas tumatagos sa kaluluwa mo kapag kadugo mo na ang nagsasabi sayo nito. Kung sino pa ang inaasahan mong daramay at iintindi sa pagkatao mo, sila pa ang mangunguna sa pag-aalipusta sayo. Tiniis ko ang lahat mula ng bata ako hanggang makatuntong ako ng mga unang dalawang taon sa high school pero ng medyo nagkaisip na ako, minsan ay nilalabanan ko na sila pero pikuning bata ang dating. Nang tumuntong ako ng kolehiyo, nakapasok sa isa sa pinakamagagandang unibersidad sa Pilipinas at nakasali sa pang-unibersidad na dulaan nito, medyo lumawak na ang pag-iisip ko. Ito na ang sinasabi ko sa lahat ng Adan ng lahing Dioquino:

“TUNAY NGA KAYONG MGA LALAKI. WALANG ALINLANGANG NORMAL NGA KAYO PERO KUNG TITINGNAN NINYO, KAMING DALAWANG BAKLA ANG PINAKAMATATALINO AT PINAKAMATITINONG ‘LALAKI’ SA PAMILYA NATIN. KAMING DALAWA ANG NAKATUNTONG NG COLLEGE AT MAY PINAKAMALAKING TSANSANG MAKAPAGTAPOS AT GUMANDA ANG BUHAY SA PAMAMAGITAN NG AMING PAGSISIKAP. EH KAYO? INUUBOS NINYO YANG MGA BAGA NINYO AT ATAY SA MGA BISYO NINYO. HAYAAN NINYO, MALAPIT NANG DUMATING ANG ARAW NG GRADUATION KO AT IBIG SABIHIN NUN, MALAPIT KO NA RING ISAMPAL SA INYO ANG DIPLOMA KO.”

Ngayon, madalas na kaming lumalaklak ng pulang kabayo ng mga lolo at tito ko.

One Response to “Si Pink Five at Ang Kanyang Mga Pakikipagsapalaran”

  1. CeZii Says:

    wohoo!!! nice one sir!! i like it! so much…. =p

Leave a Reply