Sa Pagiging Plastik at Pagiging Ipokrita

“Pag naguguluhan ka at hindi mo alam ang gagawin mo, pakinggan mo lang ang bulong ng puso mo at malalaman mo ang dapat gawin.”

Isa ito sa mga napakabagong kasabihang madalas nating nababasa o naririnig sa radyo at TV. Sa lahat ng bagay ay dapat tayong magpakatotoo sa sarili natin. Anuman ang sabihin ng ibang tao, basta sinunod natin ang gusto natin, wala na tayo dapat pangambahan. Sa ibang salita, kinakalaban ng linya na ito ang pagiging isang plastik at ipokrita. Kung gayon, kung sinuman ang totoong nagpauso ng gasgas na kasabihang ito, I BEG TO DIFFER! (sabay snob)

Lahat ng tao ay may isinusuot na maskara sa pagkatao lalo na kapag kinakailangan. Minsan nga, hindi mo na lang ito namamalayan. Parang likas na yata sa tao ang pagiging plastik. Hindi naman kasi sa lahat ng oras ay tama ang pagpapakatotoo. Minsan kasi “awkward” ang maging totoo sa ilang mga bagay, lugar at panahon. Magbibigay ako ng ilang halimbawa.

Ipagpalagay nating sa Tondo ka lumaki kung saan karamihan sa mga tao (kabilang na ako) ay kung magsalita eh parang ga-milya ang layo ng kinakausap. Pagkatapos ay kailangan mong pumunta sa isang PORMAL na salu-salo tulad ng debut na gaganapin sa isang bonggang otel sa Makati na karamihan sa mga bisita ay ka-level ng mga Tan, Lopez, Sy, Gokongwei atbp. Makikipag-usap ka ba sa kanila sa paraang akala nila ay sinisigawan mo sila? Siyempre hindi…DAPAT hindi. Kasi hindi naman akma sa lugar, panahon at okasyon ang pagpapakatotoo mo. Hindi naman lahat ng bisita roon ay mga taga-Tondo rin at hindi sila sanay sa ganoong paraan ng pakikipag-usap. Isama na rin ang tamang “etiquette”. Lalamon ka ba doong parang isang “convict” na bibitayin na bukas sa pamamagitan ng cilla electrica? Siyempre hindi…DAPAT hindi. Kasi nga, hindi akma.

Ang mga guro, isa sa mga pinakaplastik na mga tao sa buong mundo. Isa sila sa mga pinakamagagaling magtago ng tunay nilang nararamdaman. Kapag ang guro ay may suliranin sa buhay na tunay namang karumal-dumal at nakapanghihina ng tuhod, hindi nila hahayaang humadlang ito sa kanilang pagtuturo. Kailangan nilang magpakanormal at ngumiti sa harapan ng kanilang mga estudyante na parang walang masamang nangyayari sa buhay nila. Pinakamagandang halimbawa nito ay si Teacher Mila, yung ginanapan ni Maricel Soriano. Lagi niyang pinapaalalahanan ang mga batang kanyang tinuturaan na maging masaya sa kabila ng mga paghihirap sa buhay. Ang hindi nila alam ay mga Signal number 4 na klase ng bagyo na ang hinaharap ng kawawang guro sa kanyang buhay.

Si Darna at ang lahat ng klase ng “superheroes”, kailangan din nilang magpakatatag at magpakaplastik at magpakaipokrita para maisakatuparan ang kanilang mga misyon (na pare-pareho din naman, ang iligtas ang mundo sa mga masasamang elemento na gusting sumakop sa daigdig). Kailangan nilang isikil ang kanilang emosyon at ang kanilang tunay na nararamdaman para sa kapakanan ng sangkatauhan. Kasi, sa oras na bumigay sila sa tawag ng kanilang puso, tiyak na talo na sila. Kukunin ng kalaban ang mga mahahalaga sa buhay ng “superhero” upang masiguro ang tagumpay ng kanilang maiitim na balak. Kaya nga inis na inis ako sa portrayal ni Angel Locsin kay Darna, nagpapatalo sa kanyang emosyon. Ayoko na ring maging tagapagligtas ng sangkatauhan. Specifically, ayoko nang gumanap at maging si Darna, WALANG LOVELIFE!

Sige! Maging realistic tayo. Baka sabihin ninyong hindi base sa totoong buhay ang mga sinasabi ko. Ang mga pinuno ng kahit anong bansa, kahit na ang pinakamaliliit na organisasyon sa mundo, kailangan at DAPAT isantabi ang kanilang mga pansariling interest para sa kapakanan ng kanilang nasasakupan. Kaya nga sila niluluklok sa mga posisyon nila ay upang pagsilbihan ang tao. Ewan ko nga ba sa mga Pilipinong politiko. Isa pa, kailangan ay magmukha at MAGING kagalang-galang at matatag sila upang irespeto at sundin…isama na rin ang upang masindak ang mga kalaban nila, mapa-politiko, terorista, “distractor” at kung anu-ano pa. Sa panahon rin ng krisis, kahit sila mismo ay mamamatay na dami ng kanilang responsibilidad, kailangan pa rin nilang magmukhang matatag dahil sa kanila kukuha ng lakas ang mga tauhan at mamamayan. Kapag sumuko ang lider, mawawalan ng “morale” ang tao at tuluyan nang susuko. Ito ang magiging dahilan ng kanilang pagbagsak. Kaya nga siguro sa apat na presidente ng Pilipinas na napagdaanan ko sa buhay, wala pa akong nakitang umiyak sa harapan ng maraming tao. Ewan ko lang siguro kay Cory Aquino. Bata pa naman ako noon at hindi pa ako nanonood ng TV. Pero kung umiyak naman siya sa lamay at libing ni Ninoy, I can consider that justifiable.

Ilan lamang yan sa mga sitwasyong kailangan ng isang taong maging plastik. Tawag kasi iyon ng kanilang obligasyon at ng panahon. Hindi ko naman sinasabing mali ang magpakatotoo ngunit may pinipili itong lugar at panahon. Ganun din naman sa pagiging plastik at mapagkunwari.

Naku! May cute na bisita ang tita ko, inaaya akong makipag-inuman sa kanila. Magpapakaplastik ba ako o susundin ang tawag ng katotohanan? Hmmm…

2 Responses to “Sa Pagiging Plastik at Pagiging Ipokrita”

  1. Ino Jev Says:

    indeed.

    this way, we don’t end up with a society filled with tactless “kris aquinos.”

  2. Jolo Says:

    yah…’tis very true…sb nga s lesson nmin nun s sociology…”we contain multitudes” everyone has their own little selves within them that they use during a specific situation…adaptation b…kc hnd n applicable yung pgkakatotoo…sometimesyou need to blend in a particular group orcondition in order to be satisfied maybe..productive..or secure… but i don’t think it’s really accurate to col it “pagkakaplastik”…negative ang connotations nun…mas gusto ko ung adaptation…

Leave a Reply